


DAMA MO BA ANG PAGBABAGO?
"Walang bagay na permanente dito sa mundo", sabi ng maraming tao. Ikaw naniniwala ka rin ba na nagbabago ang lahat ng bagay?
Ang medya at teknolohiya ay walang kawalan sa sinasabing nagbago. Tatlumpung taon (30) ang nakalipas ay halos hindi pa gumagamit ng medya at teknolohiya ang mga tao, kabilang na rito ang ating mga magulang. Wala pa masyadong alam ang mga magulang natin sa teknolohiya noon, at kung may telebisyon o TV man ay iyon pa talagang black and white na madalas ay nawawala pa ang signal. Pansin din ang palagi nilang ginagamit sa pakikinig ng mga bagong balita, ang radyo. Pero ngayon, ang swerte ng mga kabataan lalo pa't palasak na ang computer at iba pang tinaguriang high-tech na kagamitan. Ang dami na ring websites na pwedeng mapagkukunan ng impormasyon. Halos lahat ng mga tao ngayon pati bata ay may sarili na ring cellphones. Pansin din ang naglalakihang telebisyon na napakaganda ng kulay at may pa-cable pa. Mayroon pang tinatawag na DVD na pamalit ng mga radyo.
Ang relasyon ng bawat tao noon ay napakaganda. Mapapansin na sobrang lapit nila sa isa't isa kasi palagi silang nag-uusap ng harap-harapan. Kapag may problema ang isa ay handa ang lahat na makinig at makiramay. Ngunit, ngayon ay hindi maipagkakaila ang malaking kaibahan. Kahit halos magkadikit na ang bawat tao ngayon sa sobrang lapit ay para pa ring nasa malayo. Bakit? Sapagkat ang mga tao ngayon ay sobrang nahuhumaling sa pag-usbong ng makabagong teknolohiya. Halos kinakausap pa natin ang mga tao na nasa malayo sa pamamagitan ng paggamit ng cellphones, tablet at iba pa. Kahit sa oras ng kainan ay panay pa rin ang paghawak ng "cell phones" at iba pang gadgets imbes na kutsara at tinidor.
Ang mga paniniwala naman noon ay ibang-iba sa ngayon. Dati, halos lahat ng tao ay may respeto at may galang sa isa't isa lalo na sa matatanda. Pansin din ang napakarami nilang paniniwala na talaga namang ginagawa ang lahat upang masunod. Ngunit ngayon, hindi maipagkakaila ang kawalan ng galang at respeto kahit sa kanilang mga magulang mismo at halos hindi na naniniwala sa mga beliefs o paniniwala lalo na ang mga kabataan.
Hindi ko maipagkakaila ang laki ng pagbabago mula noong 30 taon ang nakalipas sa ngayon, sapagkat nararanasan ko mismo ang lahat ng mga ito. Kaming lahat sa pamilya ay may kanya-kanyang cell phones kahit pamangkin ko na apat na taong gulang pa lamang. Dumating sa punto na halos hindi na kami nag-uusap ng pamilya ko kahit nasa iisang bahay lamang kami kasi masyado kaming abala at naaliw sa paggamit ng gadgets. Halos lahat din ng kaklase ko ngayon ay may sariling laptop na dala-dala sa tuwing papasok sa eskwela. Sa totoo lang din ay wala na kaming masyadong paniniwala na pinaniniwalaan sa ngayon hindi tulad noong kapanahunan ng lolo't lola ko.
Ang lahat ng pangyayaring ito ay huminto sa aking isipan at ako ay napaisip. Bawat segundo, minuto, oras, araw, buwan at taon ay nagbabago ang lahat ng bagay sapagkat sabi nga sa kasabihan, "ang salitang pagbabago lamang ang hindi nagbabago". Hindi natin mapipigilan ang pagbabagong ito, kaya imbes na problemahin natin ito ay ating yakapin lalo na kung makatutulong naman. Ngunit dapat din nating itanim sa isip ang disiplina sa sarili sa lahat ng pagkakataon. Nagising ako sa katotohanang ang laki na ng kaibahan sa ngayon, ano pa kaya sa susunod pang mga taon?
Ngayon, malaki ang pasasalamat ko sa mga sobrang matalinong tao na nakaimbento ng lahat ng kaibahan at pagbabago lalong-lalo na kung pag-uusapan ang teknolohiya, sapagkat hindi ko lang dama ang malaking tulong na naidulot nito upang magkaroon din ako nang sapat na kaalaman na maibabahagi ko sa magiging mag-aaral ko sa hinaharap. Nagiging mas napadali ang paghahanap ko ng mga impormasyon at nagsisilbi rin itong pangalawa kong guro na palagi ring nagbibigay ng kasagutan sa bawat katanungan na naghahatid sa akin ng kalituhan.
Yakapin natin ang lahat ng pagbabago, ngunit huwag nating kalimutang magkaroon ng disiplina sa sarili upang negatibong epekto ay hindi magiging sa akin at sa inyo.